MAYNILA--Dahil sa mababang kita bunsod ng COVID-19 pandemic, nagtanggal ang Victory Liner ng 309 probationary employees, kabilang ang mga tsuper, konduktor at mga cashier sa ticketing booths.
Ayon sa Victory Liner operations manager na si Aleks Briones, may 100 ding empleyadong pinag-retiro, at ang iba rito ay early retirement.
Sa Hulyo umano posibleng magtanggal pa ng 500 hanggang 600 empleyado, depende sa financial status ng bus company.
Depende naman sa sunod na hakbang ng pamahalaan ukol sa PUV modernization program, maaaring may 1,000 pang empleyadong tatanggalin sa mga susunod na buwan.
Matatanggap naman nang buo ng mga empleyado ang kanilang separation pay.
Ayon kay Briones, tanging bumibiyahe sa kanila ngayon ang ordinary buses na Olongapo hanggang Santa Cruz, Zambales, pero maliit ang kita rito o halos wala pa dahil kalahati lang ng capacity ang pwedeng sumakay at halos wala ring sumasakay.
Nanawagan ang kumpanya ng tulong mula sa pamahalaan na pwede umanong i-subsidize ang ilang bus kapag nagpatupad na ng PUV modernization o planuhing maigi ang mga ipatutupad sa modernisasyon.
May 1,200 buses ang Victory Liner na may biyahe sa ibat ibang bahagi ng Luzon.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
TeleRadyo, Tagalog news, Victory Liner, Victory Liner lay offs, Philippines coronavirus, Philippines COVID-19