Grupo ng provincial LGUs hiling na iurong ang school year sa Nobyembre

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2020 01:27 PM | Updated as of Jun 19 2020 02:07 PM

MAYNILA - Hiniling ng grupo ng provincial local government units (LGU) sa Department of Education na iurong ang pagbubukas ng klase sa Nobyembre. 

Ayon kay League of Provinces of the Philippines (LPP) President at Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr., hindi kasi stable ang internet at hindi pa handa ang kanilang mga pasilidad para sa distant learning. 

Hiling niyang mag-dry run muna ang DepEd para maayos ang mga gusot dito. 

Para sa liga, mas mainam pa rin ang “face to face” learning dahil mahirap matutukan ang mga estudyante sa distance learning. 

Mahalaga rin umanong isiping umpisa na ng tag-ulan at hindi pa rin tapos ang laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) 

"Kung puwede po ay mga October, November na po ang start at maayos na po sana ang sitwasyon patungkol sa COVID-19 at tuloy pa po ang pagdagsa ng LSI at OFW hindi pa po clear na clear sa COVID-19," ani Velasco. 

“Mahirap po 'yung hindi sigurado lalo pong mapu-frustrate 'yung mga estudyante at parang madi-discriminate pa po yung ibang hindi makakabili ng computer at yung mga smartphone,” dagdag niya. 

Plano ng gobyerno na simulan ang school year sa Agosto 24 sa pamamagitan ng blended learning methods - o kaya ang paggamit ng online at offline learning - para makasabay ang mga estudyante sa pag-aaral ngayong suspendido ang face-to-face learning. 

Sagot naman ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, napagkasunduan na ang pagbuo ng joint technical working group para sa panukala - na bubuuin ng Local Administrators of the Philippines at ng DepEd. 

Posible rin aniyang pag-uspan dito ang inirekomendang dry run. 

“Sa katunayan, 'yan naman ay aming commitment na magkaroon tayo ng readiness update paglapit na ng August 24 at maaaring tawagin 'yun na kasama ang isang dry run,” ani Malalauan. 

Sa ngayon aniya, tuloy ang DepEd sa paghahanda para sa class opening sa Agosto. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.