Galvez: Testing capacity, inaasahang tataas kapag naayos na ang test kit supply chain

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2020 10:20 PM

MAYNILA--Nakapagsagawa na ng kabuuang bilang na 553,197 COVID-19 tests ang bansa, ayon sa chief implementer ng National Task Force on COVID-19 nitong Biyernes. 

Ayon kay chief implementer Sec. Carlito Galvez, nakapagtamo na ng record na halos 15,000 actual tests conducted sa loob ng isang araw noong Hunyo 16. 

Malaking increase ang mangyayari sa testing capacity kapag naayos na ang supply chain ng test kits sa bansa, na ayon kay Galvez inaasahan sa susunod na linggo. Kapag natupad ito, halos 10 milyong tao ang kayang ma-test. 

Aabot sa 62 COVID-19 testing laboratories na ang accredited sa bansa. Ayon kay Galvez, halos lahat ng rehiyon may laboratoryo na maliban sa Caraga at minamadali na ang accreditation ng kanilang labs. 

Dagdag ng opisyal, mahigit 30,000 locally stranded individuals (LSI) ang napauwi na. 

"Kami ay nagpapaumanhin sa mga issue ng mga ilan na pinagmulan ng spike ng positive COVID cases gaya ng Eastern Visayas at Lanao Del Sur. Sa ngayon isinasaayos na natin ang ating proseso at protocol," ani Galvez.

"Hopefully 'pag dumating na po ang ating test kits at consumables, pwede nang isama sa test ang mga LSI."

Nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa Bangsamoro Region para naman sa pagpapauwi ng nasa 5,000 stranded individuals sa Sabah.

Mahigit 54,000 OFWs na rin ang napauwi at sinisikap pa ng pamahalaang mapabilis ang proseso.

Ayon kay Galvez, patuloy ang assessment sa Cebu, Metro Manila, Calabarzon, Central Luzon at Eastern Visayas na may mga ongoing at bagong kaso ng COVID-19.

Nagpadala na rin sila umano ng surveillance team sa Cebu upang tingnan ang kalagayan doon matapos tumaas ang bilang ng COVID-19 cases sa naturang lugar. -- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.