Dinededma umano: Ilang guro sumugod sa DepEd para humingi ng dayalogo

Jasmin Romero, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2020 08:30 PM | Updated as of Jun 19 2020 10:30 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Nagprotesta nitong Biyernes ang ilang grupo ng mga teacher sa tanggapan ng Department of Education (DepEd) para humingi ng pagkakataong makausap ang mga pinuno ng ahensya sa gitna ng paghahanda ng pagbubukas ng klase sa Agosto.

Kahit may banta ng COVID-19, di napigilan ang mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na magprotesta sa harapan ng DepEd Central Office sa Pasig City.
    
Suot ang kanilang masks at naka-physical distancing, inilabas nila ang kanilang sama ng loob dahil sa pang-iisnab umano sa kanila ng ahensya

Sa di bababa sa 4 na liham ng grupo mula Abril hanggang Hunyo, humingi sila ng pagkakataong makipagdayalogo sa DepEd para pag-usapan ang samu't saring issue.

"Pang-apat na beses na po tayong sumusulat sa DepEd, pero katulad ngayon walang positibong tugon ang departamento," ani Raymond Basilio, secretary general ng ACT.

Kuwento ng isang guro, best effort na sila sa pagpapatupad ng distance learning pero aminado silang minsan di na talaga kinakaya

"Marami po sa amin walang laptop, walang pang-internet halos paubos na ang aming mobile data dahil sa distance learning na hinahanda ng DepEd... Nangangapa kami," ani Alyas "Ruby."

Umaapela rin ang Teachers' Dignity Coalition (TDC) sa DepEd, na palawigin pa ang work from home ng teachers na di kasama sa skeletal workforce lalo’t marami ang walang sariling sasakyan. 

"Many of our teachers were ordered to report physically on Monday while there is no plan to provide for transportation for those who do not own private vehicles," ani Emmalyn Policarpio, secretary general ng TDC.

Pero ayon sa DepEd, di porke’t walang diyalogo ay hindi na inaaksyonan ang mga hinaing ng mga guro.

"Ang ACT ay may regional organizations na patuloy na nakikipagtalastasan sa mga regional directors. Di totoo na sarado ang pag-uusap ng DepEd at ng ACT... Malawak ang konsultasyon na ginagawa kahit itong learning continuity plan maraming sector ang tinatanong," ani DepEd undersecretary for curriculum and instruction Diosdado San Antonio. 

Busy rin umano ang ahensya para matulungan ang mga teacher sa blended learning

Base rin sa utos ng DepEd, puwede ring mag work from home ang guro depende sa community quarantine at trabaho nito sa eskuwela.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.