Dating cruise ship waiter bumuo ng rolling store kasama ang kabarkada sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2020 04:22 PM | Updated as of Jun 20 2020 04:40 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Ngayong wala siyang trabaho habang lockdown, naisip ng isang overseas Filipino worker na maghanap ng pagkakakitaan kasama ang mga kababata habang nananatili sa Pilipinas. 

Isang rolling store ang binuo ng dating cruise ship waiter na si Zeus Awid at ang kaniyang tatlong kabarkada sa Bacoor, Cavite. 

Kuwento ni Awid, Abril 1 nang makarating siya ng Pilipinas. Umaray kasi aniya ang cruise ship industry dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) 

“Nag-isip po kami ng business na papatok po ‘yung wala pong kaparehas sa iba then nag-start kami sa 4 prutas hanggang sa nadagdagan nang nadagdagan,” ani Awid sa programang “Good Vibes” ng DZMM.

Lumilibot ang kanilang rolling store sa mga subdivision sa Bacoor. 

Hindi man aniya ganoon kalaki ang kita, masaya aniya siya na nakakabenta sila. 

“Maganda ang kitaan hindi man ganong kalaki pero sa araw-araw na ginagawa namin nae-enjoy naman namin kaunting kita pero masaya po kami,” ani Awid. 

Sa pagtatrabaho, nagsisilbing inspirasyon umano ni Awid ang kaniyang 8 buwang gulang na anak na babae. 

Ngayon, binigyan sila ng puwesto sa Villa Vieja subdivision para hindi na umano kailangang lumayo ang mga residente. 

At sa pagpapanatili ng kanilang negosyo, sandigan nila ang isa’t isa at ang lakas na loob na nakukuha nila sa araw-araw, ayon kay Awid. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.