Buntis sa Misamis Occidental positibo sa COVID-19

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2020 07:52 PM

Courtesy of Misamis Occidental Governor Philip Tan

MISAMIS OCCIDENTAL - Nagpositibo ang isang 7 buwang buntis sa COVID-19 nitong Huwebes, ang ika-12 kaso ng sakit sa lalawigan.

Na-stranded sa Cebu City ang babae at dumating sa Ozamiz City noong Linggo. Una na siyang nagpositibo sa rapid test at pareho rin ang resulta sa isinagawang reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test.

Sa kasalukuyan, may 6 na active COVID-19 cases, 5 recoveries at 1 fatality ang lalawigan, ayon kay Misamis Occidental Governor Philip Tan.

"One is in the hospital and 5 are in the isolation facility in the province," aniya.

Asymptomatic o walang sintomas ng sakit ang mga pasyente, dagdag ni Tan.

Nakiusap din ang gobernador sa mga kompanya ng barko at eroplano na kung maaari ay suriin muna kung dumaan sa rapid test ang mga pasaherong pinasasakay nila para hindi maghawaan sa pagbiyahe.

"At least ang dumarating dito negative. Hindi na kami pa dito ang magra-rapid test. And then ma-overwhelmed din ‘yong mga facilities sa mga positive. Mas maigi kung clear na before boarding," aniya.

Nasa halos 2,000 stranded individuals at repatriated overseas Filipino workers (OFWs) ang nakauwi sa lalawigan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.