343,000 OFWs nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19: Bello

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2020 02:08 PM

MAYNILA - Aabot sa 343,000 mga Pinoy sa buong mundo ang nawalan ng trabaho dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, ayon sa Department of Labor and Employment.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, aabot na sa 191,000 ang ayaw umuwi sa bansa hanggang 95,000 dito ang nais bumalik, batay sa kanilang datos hanggang Hunyo 18.

"Baka dumami pa po yan kasi ang bilang ng natengga naming OFWs, because of COVID-19 ay 343,000 ang nawalan ng trabaho. Buong mundo na po 'yan," ani Bello.

Paliwanag ni Bello, mga benepisyo sa mga tinitirhang bansa ang tinitingnang dahilan sa pagpili ng ilang OFWs na tutulan ang pag-repatriate.

Samantala, aabot sa 54,000 ang mga nakauwing overseas Filipino workers magmula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Bello, mayroon pang tinatayang 16,000 na pauwi sa bansa ngayong Hunyo.

Pero 65,000 pa ang inaasahang uuwi sa mga susunod na buwan at inaasahang madadagdagan pa ito.

"Talagang problema siya, kailangan natin silang tulungan," ani Bello.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2019, mayroong aabot na 2.2 milyong overseas Filipino workers

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.