Vietnamese fishermen masayang nailigtas ang Pinoy crew ng F/B GEM-VER

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 08:28 PM | Updated as of Jun 19 2019 08:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Masaya ang mga Vietnamese na mangingisda na nailigtas nila ang mga Pilipinong mangingisda na lulan ng bangkang binangga ng isang Chinese vessel sa Reed Bank noong Hunyo 9.

Ayon ito sa may-ari ng Vietnamese fishing boat na nakapanayam at nagkuwento sa ABS-CBN News ukol sa nangyaring pagsagip sa dagat.

"They are happy that they could save the Filipino guys," sabi ng may-ari ng Vietnamese fishing boat na si Ngo Van Theng sa pamamagitan ng isang translator.

Natunton si Ngo Van Theng ng mga Vietnamese journalist mula Vnexpress.

Sa panayam ng ABS-CBN News, ibinahagi rin ni Ngo Van Theng ang kuwento ng pagsagip ng crew ng Vietnamese boat, na pareho sa kuwento ng mga Pilipino.

Nagising umano ang mga Vietnamese nang hingan sila ng saklolo ng 2 Pilipino na lulan ng maliit na bangka.

Inakala raw ng Vietnamese crew noong una na mga pirata ang mga mangingisdang Pinoy.

Hindi sila magkaintindihan kaya nag-usap sa pamamagitan ng mga senyales. Sa pagdikit ng mga kamay, saka nagkaunawaan sa 3 salitang "Vietnam," "Philippines" at "friends."

"The Filipino men were signalling that they needed help. So they say, 'Vietnam, Philippines' and they pressed their hands together," sabi ng Vietnamese sa pamamagitan ng translator.

"The Filipino guys [were] trying to signal that, he used one hand and pressed on his face to show that he was sleeping and the other hand to hit his face and say China so the Vietnamese guys understand that China or Chinese ship rammed into them when they were sleeping."

Tugma ang pahayag ng may-ari ng Vietnamese boat sa naging kuwento ng 2 Pinoy na mangingisda na sina Justin Pacaul at Jaypee Gordiones.

Sumakay sina Pacaul at Gordiones ng pang-single at mas maliit na bangka para sagwanin ng may 2 oras ang isang ilaw sa malayo na Vietnamese fishing boat pala.

Ito'y matapos ang pagbangga ng Chinese vessel. Iniwan umano sila sa dagat nang lumubog ang kanilang bangka, ang F/B GEM-VER.

Nang humingi ng saklolo ang mga Pilipino, isang oras ang inabot bago nakarating ang Vietnamese vessel sa kinaroroonan ng lumubog na bangka.

Pinasakay ng mga Vietnamese ang mga Pilipino at pinakain ng kanin at instant noodles. Pinahiga rin ang mga Pinoy at pinatuyo ang mga basang damit.

Ayon sa may-ari ng Vietnamese boat, naniniwala siyang kahit sino raw na mangingisda ay alam na tama at dapat na saklolohan ang mga kapwa sa dagat.

Nauna nang sinabi ng Chinese government na aksidente ang nangyari at sinubukan umanong iligtas ng Chinese vessel ang mga Pilipino ngunit pinalibutan umano ito ng ilan pang Filipino boats sa lugar. 

-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.