Umano'y lider ng sindikato sa Tondo patay sa engkuwentro

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 07:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Napatay nitong umaga ng Lunes ang umano'y lider ng sindikatong nagsusuplay ng droga sa Tondo, Maynila matapos makaengkuwentro ang mga pulis. 

Bumunot ng baril ang suspek na si Salazar Liwanag Santos, alyas "Supremo" at pinaputukan ang pinagsamang puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Maynila at Manila police, ayon kay Police Maj. Leandro Gutierrez, hepe ng CIDG-Manila.

Naghahain ang mga awtoridad ng search warrant sa permanent housing sa Tondo, kung saan 4 pa ang naaresto dahil sa paggamit umano ng ilegal na droga. 

Sa kuwarto ng isang pabahay napatay si Santos, na umano ay lider ng grupong nagbebenta ng droga sa mga estudyante, truck driver at pahinante sa lugar. 

Itinanggi naman ng kaanak ni Santos ang mga paratang ng pulisya.

Kakasuhan ang 4 na naarestong suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.