TINGNAN: Kisame ng classroom sa Bacolod, bumigay

Mitch Lipa, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 06:53 PM

Kulang umano sa metal hanger ang kisame sa silid-aralan ng bagong tayong Building C ng Domingo Lacson National High School kaya ito bumagsak. Mitch Lipa, ABS-CBN News

Bumigay ang kisame ng isang silid-aralan sa isang pampublikong paaralan sa Bacolod City pero mabuting walang klase nang mangyari ito.

Miyerkoles ng umaga nang madiskubre ng mga naunang dumating na estudyante ng Domingo Lacson National High School na bumigay ang kisame ng kanilang classroom na nasa ikatlong palapag ng Building C ng paaralan.

Agad nilang ipinagbigay-alam ito sa gurong si James Sevillejo. Ayon sa guro, posibleng nahulog ang kisame Martes pa. Mabuti na lamang at wala rin pasok ang mga estudyante dahil holiday sa lungsod. 

Dagdag ng guro, sa dalawang linggong ginagamit nila ang classroom para sa English class ay napansin na niya na may crack sa kisame.

Agad na pumunta ang Division Engineer ng Department of Education-Bacolod na si Jan Olvido at sinabing kulang ang metal hanger kaya bumigay ang kisame.

Nabanggit na nila ito sa Department of Public Works and Highways na siyang magsasabi naman sa contractor dahil sakop pa ito ng warranty.

Pansamantalang sa katabing classroom muna nagkaklase ang English class ni Sevillejo.

Gusto na rin nila na muling mainspeksiyon ang classrooms ng bagong building para maiwasan ang posible pang aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.