Tauhan ng towing company arestado sa pangingikil

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 07:54 PM

Naaresto ang empleyado ng isang towing company matapos puwersahang ipa-impound ang isang truck at kikilan ang driver nito sa Maynila. 

Dinampot ng Special Operations Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa entrapment operation noong gabi ng Sabado ang suspek na si Rolando Toquero. 

Nag-beating the red light ang truck driver pero sa halip na tiketan ng tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau, nagtawag ito ng mga magto-tow, na puwersahang kinuha ang truck, ayon kay NCRPO chief Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar.

Pinatubos ang truck sa halagang P10,000 pero tumawad ang may-ari kaya nagkasundo sa P8,500, kung saan may porsiyento rin ang traffic enforcer.

Ayon naman kay Toquero, siya lang ang tumanggap ng pera pero hindi niya alam na ilegal ito.

Nahaharap sa mga kasong carnapping at robbery extortion ang suspek.

--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.