Pinaagang water interruption sa ilang lugar pinaiimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 12:39 PM

Inaalam na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System kung bakit napaaga ang rotational water interruption ng Maynilad at Manila Water, na dapat magsisimula ngayong Miyerkoles.

Sa panayam sa DZMM, sinabi ni MWSS chief regulator Patrick Ty na nakatanggap sila ng mga reklamong nawalan ng tubig kahit walang abiso ang dalawang water concessionaire.

Iimbestigahan din nila kung dapat magmulta ang dalawang concessionaire dahil sa nangyari.

"Pag-aaralan po at pinag-eexplain po namin sila formally kung bakit nangyari ito. Bakit hindi dapat sila i-penalize sa problema,"

Kabilang sa mga naapektuhan ang ilang taga-Quezon City at Mandaluyong.

Pero may iilan na nag-abang ng rasyon ng tubig sa Barangay South Triangle sa Quezon City mula pa nitong Martes matapos silang mawalan ng suplay noong alas-4 ng hapon.

Reklamo ng ilang residente na hindi sila naabisuhan ukol sa water interruption.

"Wala pong nagsabi, walang nag-ikot kahit sana isang tauhan man lang nila na nagsabi na mawawalan ng tubig," daing ng residente na si Lilibeth Gallo.

Sa halip naman na matulog para sa kanilang klase, nag-abang din ng maiigib ang magkaibigang high school student na sina Charles Piedad at Jamaica Hilongo para mag-igib ng kanilang ipampapaligo sa susunod na araw.

"Siyempre wala kami panligo bukas. Hindi kami makakapasok kapag hindi nakaligo," ani Hilongo.

Dumating bandang ala-1 ng madaling araw ang bombero na may dalang tubig.

Tatlong araw namang walang tubig ang mga taga-Barangay Addition Hills sa Mandaluyong.

Ang residente gaya ni Obet Enobay ay bumibili pa ng tubig dahil duda umano siya sa mga nakukuha sa pagrarasyon.

"Mahirap, apat ang pumapasok sa anak ko, nagtatrabaho ako. Ako nga hindi na naligo kanina, pumasok ako sa trabaho," ani Enobay.

Dahil sa mga ganitong ulat, may mga grupong nag-volunteer na magrasyon, gaya ng grupong Addition Hills Life Emergency Response Team. (AHLERT)

"Actually walang bayad, voluntary ang pagtulong namin. Tinutulungan namin ang aming mga kababayan, kapag alam namin na walang tubig, after ng work diretso na dito, hanggang kaya na magrasyon bibinigay namin," ani AHLERT volunteer Raul Bual.

Napagdesisyonan ang water interruption sa pangambang bumagsak sa critical level ang Angat Dam, na pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig ng mga water concessionaire.

Aabot na lang sa 161.78 metro ang lebel ng dam, na malapit sa critical level na 160.

Unang inanunsiyo na makakaranas ng hanggang 16 oras na water interruption (mahinang water pressure o tuluyang kawalan ng tubig) sa ilang lugar sa Metro Manila.

-- May ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.