Mataas na sahod para sa mga nurse, iminungkahi

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 09:49 AM | Updated as of Jun 19 2019 10:10 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Mataas na pasahod at mga benepisyo ang nakikitang paraan ng Philippine Nurses Association (PNA) upang hindi na magdalawang-isip pa ang mga kabaro na maghanap ng trabaho sa ibang bansa.

"By raising the salary of nurses and giving them a safe and positive work environment, giving them benefits, it can slow down the process of nurses getting out of the country," ayon kay PNA president Erlinda Palaganas.

Batid ni Palaganas na dapat munang umpisahang ayusin ang "internal plight" ng mga nurse sa bansa.

"Entry level salary P11,500 to P12,500 sa private. There are other religious-run hospitals who would pay as low as P8,000 to P10,000 a month. In fact, there are more private hospitals who would pay lower," sabi niya.

Sa panayam sa DZMM, sinabi ni Palaganas na kung naipatupad lamang ang nasa ilalim ng batas na Republic Act 9173 o ang nursing law, ang entry level dapat ng mga nurse sa gobyerno ay salary grade 15.

"Sana ho pakinggan kami ng gobyerno, ang tagal na ng aming struggle. Hindi kami binibigyan ng pansin," sabi niya.

Hindi aniya pwedeng pigilan ang mga nurse na mangibang bansa sa pagnanais na magkaroon ng magandang buhay.

"Ang panawagan is really to look at the situation of nurses and not to implement anything that is drastic without consulting the sector involved," sabi ni Palaganas.

Ibinahagi rin ni Palaganas na pinaghahandaan na nila ang pagpaplano para sa isang summit ng nurse leaders sa bansa.

"Para kung ano man ang hinaing nila sabihin na nila," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.