Lalaking nakipagbiruan sa inuman, patay sa saksak

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 12:41 AM

DIPOLOG CITY - Patay ang isang 39 anyos na lalaki matapos saksakin dahil sa pakikipagbiruan sa Barangay Cogon, Dipolog City noong Biyernes.

Base sa imbestigasyon, nagsimula sa biruan ang alitan sa pagitan ng mga suspek na sina Rico at Reymart Flores at ng biktimang si Dino Nonong.

Ayon kay Police Corporal Rajick Necesario, nagbibiruan sina Nonong at Rico habang nag-iinuman sa bahay ng kamag-anak na si Jerry Acama.

Nauwi sa suntukan ang biruan.

Lumipat sa iisa pang bahay ng kamag-anak si Nonong habang umuwi naman sa bahay ang mag-amang Flores.

Nakaupo sa labas ng isang tindahan si Nonong nang lapitan ni Rico at saksakin sa hita. Pero sa haba ng ginamit na kutsilyo, umabot ang sakak sa pantog ng biktima na siya nitong ikinamatay.

Ayon sa kapatid ng biktima na si Ricardo Nonong, sana'y binugbog na lamang ang kaniyang kapatid at hindi pinatay.

"Sobra naman ‘yong ginawa nila. Kahit binugbog lang nila kapatid ko, talo na nga dahil dalawa sila, malaki pa ‘yong katawan ng kaniyang anak," aniya.

Dating tanod sa Barangay Cogon ang amang si Rico na nahaharap sa kasong pagpatay kasama ang anak na si Reymart.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.