Konsehal ng bayan, patay sa riding-in-tandem

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 10:02 AM

Binira ang biktima habang nagmamaneho ng kaniyang jeep para libreng maghatid ng mga estudyante sa paaralan. Larawan mula kay Zorayda Eva Mustaril

SINDANGAN, Zamboanga del Norte - Patay sa pamamaril ang isang miyembro ng Sangguniang Bayan matapos na pagbabarilin habang nagmamaneho ng kaniyang jeep, Miyerkoles ng umaga.

Sakay ni Cicero Gurrea ang ilang estudyante para ihatid ng libre sa paaralan sa Barangay Poblacion. Ito umano ang kaniyang pangako nang tumakbo bilang konsehal ng bayan.

Ayon sa hepe ng Sindangan Municipal Police Station na si Maj. Hartzel Peter Billedo, posibleng inabangan na ng mga salarin ang biktima lalo’t alam nilang tuwing umaga ito naghahatid ng mga estudyante.

“Initially, sakay ng motorsiklo ‘yong bumaril sa kaniya...riding-in-tandem,” sabi ni Billedo.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang awtoridad para mabatid ang motibo sa pamamaril. Inaalam din nila kung may mga nasugatan sa mga sakay na estudyante ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.