Kawalan ng koordinasyon ukol sa water interruption pinuna

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 06:43 PM | Updated as of Jun 19 2019 10:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinuna ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang umano’y kawalan ng koordinasyon ng mga water concessionaire at agency matapos magkaroon ng biglaang water interruption sa ilang bahagi ng Kamaynilaan noong Martes. 

Inaasahan dapat ngayong Miyerkoles, Marso 19, ang water interruption (mahinang water pressure o tuluyang kawalan ng tubig) dahil malapit nang sumadsad sa critical level ang Angat Dam na pinagkukuhanan ng suplay ng mga concessionaire na Maynilad at Manila Water. 

Pero magmula alas-4 ng hapon ng Martes ay nawalan na ng tubig sa ilang lugar na humantong pa sa pila-balde sa ilang parte ng Kamaynilaan.

"Nagiging abnormal na ang takbo ng buhay natin. Lagi kang nagmamadali na baka maubusan ka ng tubig. Hindi tama, nauuna ang implementasyon kesa sa anunsiyo,” ani BAYAN secretary-general Renato Reyes. 

Ikinagulat din ng National Water Resources Board, na nanguna sa pagpupulong kasama ang mga concessionaire, na hindi naging tugma ang insidente sa napag-usapan sa pulong ng technical working group ng Angat Dam operations. 

Anila, wala silang pagbabawas ng alokasyong ginawa noong nakaraang araw.

Paliwanag ni Manila Water spokesperson Jeric Sevilla, nagkaroon ng paghina ng supply kaya kinailangan na nila agad magbawas ng alokasyon. 

"Humina talaga ang supply at kulang talaga ang panahon namin na makapag-abiso," ani Sevilla. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon naman kay Maynilad corporate communications head Jennifer Rufo, ito ay para maseguradong mas puno ang kanilang mga reservoir bago pa sumadsad sa critical level ang dam. 

Sa panayam sa DZMM, sinabi ni MWSS chief regulator Patrick Ty na nakatanggap sila ng mga reklamong nawalan ng tubig kahit walang abiso ang dalawang water concessionaire.

Iimbestigahan din nila kung dapat magmulta ang dalawang concessionaire dahil sa nangyari. 

"Pag-aaralan po at pinag-e-explain po namin sila formally kung bakit nangyari ito. Bakit hindi dapat sila i-penalize sa problema," ani Ty. 

Sa ngayon ay nasa 163 metro ang binaba ng imbak sa dam mula kahapon at wala ring matinding ulan kaya inaasahan umano na ngayong Biyernes o sa weekend bababa sa critical level na 160 ang nibel ng dam.--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.