Kapitan ng FB GEM-VER, di na sigurado kung binangga nga sila

Raphael Bosano, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 08:26 PM | Updated as of Jun 19 2019 11:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tila nag-iba ang ihip ng hangin matapos magkausap nitong Miyerkoles si Agriculture Secretary Manny Piñol at ang kapitan ng barkong Pinoy na nadunggol ng barko ng China siyam na araw ang nakararaan. 

Ayon kay Junel Insigne, kapitan ng FB GEM-VER, hindi na niya matukoy kung sinadya ngang banggain ng Chinese vessel ang kanilang bangka. Pero nanindigan siyang masama ang kaniyang loob sa hindi pagsalba sa kanila ng mga dayuhan.

Pero ang ilan sa mga crew, gaya ni Melquiades Tiamzon, nanindigan na binangga sila ng Chinese vessel. 

"Gano'n pa rin po ang [pananaw] ko, binangga. Sinadya talaga," ani Tiamzon. 

Kinondena naman ni Piñol ang banggaan. 

"Kung totoong binangga sila, I will be the first to fight for it. In fact, it's established na iniwanan sila, I am already condemning this as Secretary of Agriculture," ani Piñol. 

Pero para kay University of the Philippines Professor Luis Teodoro, isang dalubhasa sa pamamahayag at komunikasyon, ang punto ng pakikipagkita sa mga mangingisda ay hindi para linawin kung may nakatakda ngang meeting kundi para ibigay ang tulong para sa kanila.

"One will notice that the fishermen are most subdued this time. And so the only conclusion I can draw is that okay you have a man of power coming here and talking to you, with simple fishermen," ani Teodoro. 

Siyam na araw mula nang mabangga ang bangka at iwang palutang-lutang sa West Philippine Sea ng mga Chinese, nakatakda nang matanggap ng mga mangingisda ang ayuda ng pamahalaan sa pamamagitan ni Piñol.

Dumiretso ang kalihim sa bahay ng may-ari ng bangka para sa isang closed door meeting. 

Ang sumunod na eksena, biglang pumarada ang mga pulis na naka-full-battle gear sa labas ng bahay. 

Ang kanilang opisyal, pilit na tinataboy at iniiwasan ang media na nais malaman kung para saan ang napakaraming pulis sa lugar.

Makaraan ang ilang minuto, dahan-dahan ding umalis ang mga pulis.
 
Pero mas kapansin-pansin ang paglabas ni Piñol kasama ang mga mangingisda.

Di gaya noon, tila tahimik na ang mga mangingisda ngayon. 

Matapos ang pulong, sa isang press conference, humingi ng paumanhin si Insigne sa pahayag niya na hindi siya sisipot sa pulong kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.

Nilinaw din niya na si Piñol pala ang dapat niyang makikita sa nasabing pulong.

"Humihingi ako ng paumanhin sa Presidente na hindi pala ako pinatawag. Si Sec Pinol pala," aniya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.