Ilang lugar sa Metro Manila, nakaranas muli ng rotational water interruption

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 04:52 AM

May ilang lugar na sa Metro Manila ang nakaranas ng kawalan ng tubig nitong Martes bagaman ngayong Miyerkoles pa lamang opisyal na sisimulan ang rotational water interruption. 

Pumila ang karamihan ng mga residente ng Barangay South Triangle, Quezon City matapos silang mawalan ng suplay nito alas kwatro kahapon ng hapon. 

Sabi ni Lilibeth Gallo, residente ng barangay, wala daw abiso sa kanila na mawawalan sila ng tubig.

"Wala pong nag-sabi, walang nag-ikot. Kahit sana isang tauhan man lang nila na nagsabi na mawawalan ng tubig," ani Gallo.

Bandang alas-11 kagabi nang makatanggap nang anunsyo na magkakaroon ng rasyon ng tubig ang mga residente ng nasabing barangay, kaya napilitan sila na maghanap ng pagkukuhaan ng tubig.

"Nung nalaman na walang tubig, naghanap kami ng fire hydrant para may tubig ang mga tao," sabi ng isang residente.

Mayroon ring mga bata na nakipila para makakuha ng tubig. Sa halip na matulog para maghanda sa pagpasok sa eskwelahan, kasama sila sa mga nagpuyat dahil kailangang nila mag-igib na ipampapaligo sa kanilang pagpasok.

"Hindi kami makakapasok kapag hindi nakaligo," ani Jamaica, isang grade 8 na estudyante.

Puyatan din ang mga taga-Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City. Tatlong araw na silang walang tubig kahit ngayong araw pa lamang dapat sisimulan ang rotational water interruption. Kaya ang ilan, nagvolunteer na lamang na magrasyon ng tubig, katulad ng grupong ALERT o Addition Hills Life Emergency Response Team. 

Bunsod ang rotational water interruption ng pagbaba ng tubig sa Angat Dam. Kahapon, 161.78 meters ang level na malapit na sa critical level na 160 meters.

Napagkasunduan ng technical working group ng Angat Dam operations na bawasan ang alokasyon. Mula 46 cubic meters per second, 40 cubic meters per second na lang ang ilalabas na siyang paghahatian ng Maynilad, Manila water at maging ng Bulacan concessionaire.

Dahil dito, asahan na ang hanggang labing anim na oras na walang tubig sa ilang lugar sa Metro Manila. - ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.