Fetus natagpuan sa isang plastic bag sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 06:57 PM

Nadiskubre ang isang fetus na isinupot at iniwanan sa tabi ng isang kainan sa Belarmino St., Barangay Bangkal, Makati City nitong Miyerkoles. 

Ayon sa mga residente, umalingasaw ang masangsang na amoy sa isang kainan noong umaga. 

Makalipas ang ilang sandali, nahagip ng isang sasakyan ang supot sa bangketa, at doon na umano nadiskubre na fetus ang laman nito. 

"Nangamoy, parang patay na pusa, Natatakot ako, kasi lima anak ko, umampon ako ng tatlo, binigay na lang sana sa akin," kuwento ng residenteng si Perlita Calva. 

Ayon sa barangay administrator na si Gus Yoro, tinatayang nasa limang buwan na ang natagpuang fetus at isa hanggang dalawang araw na itong naiwan sa kalsada. 

Wala din umano silang makalap na testigo na makakapagturo kung sino ang nag-iwan ng fetus sa lugar. 

Nakatakda pa lang maglagay ng CCTV camera sa lugar sa susunod na buwan ang barangay. -- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.