Defense chief: Aksidente ang paglubog ng bangka sa Reed Bank

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 02:54 PM | Updated as of Jun 19 2019 07:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maaaring aksidente lang ang pagpapalubog ng isang Chinese vessel sa isang bangkang pangisda ng mga Pinoy sa Reed (Recto) Bank, ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana. 

"I think this is just an accident. Based on some of the information that we gathered from some of the crew, this is just an accident," sabi ngayong Miyerkoles ni Lorenzana. 

Hindi rin daw kasi tiyak ng kusinero ng bangka — ang natatanging gising sa crew ng bangka nang mangyari ang insidente — kung sinadya ba silang banggain ng Chinese vessel, ayon kay Lorenzana.

Pero nananatili raw ang pagkondena niya sa hindi pagsaklolo ng mga Chinese sa mga mangingisdang Pinoy.

"Siguro hindi lang sinasadya ng kabila na masagi niya. 'Yon lang, hindi tinulungan," ani Lorenzana.

Si Lorezana ang unang nag-anunsiyo noong Hunyo 12 ukol sa pagbangga ng Chinese vessel sa bangkang pangisda na FB GEM-VER.

Nangyari ang insidente noong Hunyo 9 sa Recto Bank, kung saan sinasabing inabandona rin ng mga Chinese ang mga mangingisdang Pinoy, na kalaunan ay nasagip ng isang Vietnamese vessel.

Nanguna si Lorenzana sa pagkondena sa pag-iwan sa mga mangingisdang Pinoy.

Nang tanungin kung nagbago ang kaniyang posisyon sa isyu, sinabi ni Lorenzana: "I think we can change our mind if new facts will come." 

Makaraan ang halos isang linggong pananahimik, nagsalita noong Lunes si Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa nangyari, na tinawag niyang "maritime incident."

Iginiit din ni Duterte na mas mainam na imbestigahan muna ang nangyaring banggaan. Nais din umano niyang mabigyan ng pagkakataon na marinig ang magkabilang panig.

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, tila tugma sa unang kuwento ng mga Pilipinong lulan ng bangka ang kuwento ng may-ari ng Vietnamese fishing boat ukol sa pag-rescue sa kanila. 

Kuwento ng crew ng Vietnamese boat nagising sila nang may dalawang Pilipino na lulan ng maliit na bangka ang humingi ng saklolo sa kanila.

Inakala raw ng crew noong una na mga pirata ang dalawa. Di magkaintindihan kaya't nag-usap sila sa pamamagitan ng mga senyales.

"The Filipino guys (were) trying to signal that… He used one hand and pressed on his face to show that he was sleeping and the other hand to hit his face and say China so the Vietnamese guys understand that China or Chinese ship rammed into them when they were sleeping," ayon sa crew. 

Sa pagdikit ng mga kamay, doon na umano nagkaunawaan sa tatlong salita: "Vietnam. Philippines. Friends."

-- May ulat nina Johnson Manabat, Chiara Zambrano, at Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.