Bayan Muna nag-protesta sa sinapit ng mga mangingisda sa Recto Bank

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 09:06 PM

Nag-ingay ang grupong Bayan Muna sa Elliptical Road, Quezon City nitong Miyerkoles bilang protesta sa sinapit ng 22 Pilipinong mangingisda sa Recto Bank noong Hunyo 9.

Binangga umano ng isang Chinese vessel ang F/B GEM-VER lulan ang mga nasabing Pilipinong mangingisda sa Recto Bank sa West Philippine Sea. Iniulat na mistulang iniwan ng Chinese vessel ang mga Pilipino sa dagat.

Ang West Philippine Sea ay ang exclusive economic zone ng Pilipinas sa pinag-aagawang South China Sea. 

Ayon kay Bayan Muna secretary-general Renato Reyes, nakaka-galit ang mga nangyayari ngayon dahil ang kapitan pa ng nasabing bangka, si Junel Insigne, ang humingi ng tawad kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito'y dahil sa naging di pagkakaintindihan sa isang pulong kung saan ito naimbitahan. 

"Nakaka-durog ng puso eh, kasi 'yung mangingisda ay biktima siya. Bakit siya ang mag-sorry sa Pangulo? Bakit kailangan siyang puwersahin na mag-apologize? Dapat ang nagso-sorry ay ang pangulo, dapat siya mag-sorry sa mangingisda dahil hindi naprotektahan at hindi naipaglaban ang exclusive economic zone natin," ani Reyes.

Sinabi ni Bayan Muna chairman Neri Colmenares na hindi panawagan na makipag-giyera sa China ang hinihingi mula kay Duterte ng publiko, kundi mas matapang na paninindigan ng administrasyon sa nangyaring insidente.

Nauna nang sinabi ni Duterte na banggan lamang ang nangyari. Hindi rin ipinatawag ng Malacañang ang Chinese ambassador to the Philippines dahil sa insidente. 

Nagdududa rin ang Palasyo sa pahayag ng mga mangingisda dahil sa ilang di pagkakatugma ng mga kuwento. 

"Ang hiling natin ay tindigan ang karapatan ng ating mga mangingisda ng ating bansa," ani Colmenares.

May ibang motorista ang nakiisa sa pag-iingay habang dumaraan sa kanto ng Elliptical Road at Kalayaan Avenue.

Bago magtapos sa kanilang protesta, nagsunog ng bandila ng China ang grupo bilang pagpapakita ng kanilang matinding pagkondena sa insidente sa Recto Bank.

Ayon sa Bayan Muna, magtutuloy-tuloy ang ganitong mga aktibidad hanggang sa State of the Nation Address ng Pangulo sa Hulyo. 

Sa ilalim ni Duterte, naging mas malapit ang ugnayan ng Pilipinas at China sa kabila ng hindi pa nareresolbang agawan ng teritoryo sa South China Sea. 

- Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.