Barangay chairman namaril ng estudyante na humihingi ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 03:12 AM

Polanco, Zamboanga del Norte – Arestado ang isang barangay chairman sa pamamaril ng isang 16 anyos na estudyante na humihingi umano ng tulong sa Zamboanga del Norte.

Itinuro si Marianito Paalisbo, kapitan ng Barangay New Sicayab, na responsable sa pamamaril ng biktima na iniulat na humingi lang ng tulong mula sa suspek.

Ayon kay PCpt. Arcelito Derama, hepe ng Polanco Police Station, kinailangan ng menor de edad ng tulong dahil napaaway ito kaya pumasok ang biktima sa loob ng barangay hall kung saan nandoon si Paalisbo.

“May pa-disco kasi sa kanilang barangay. Itong biktima dumalo doon sa disco pero may nakasagutan kaya’t hinahabol ng isang grupo. Sa takot na baka mapaano siya, doon ito dumiretso sa may barangay hall para sana humingi ng saklolo," sabi ni Derama.

Pero sa halip na tulungan ng kapitan ang biktima, bumunot umano si Paalisbo ng 9mm na baril at inutusan niya na dumapa ang estudyante. Binatukan pa umano ng kapitan ang biktima gamit ang nasabing baril.

"Pinadapa siya ni kapitan, at hanggang sa naputukan ng baril,” ani Derama. Tinamaan umano sa tuhod ang biktima.

Ayon sa suspek, nagbigay lang siya ng warning shot pero aksidenteng tinamaan ang biktima.

Kasalukuyang nagpapagaling sa Zamboanga del Norte Medical Center ang biktima. 

Nahaharap si Paalisbo sa mga kasong attempted murder, illegal possession of firearms and ammunition, at grave threat. - Ulat ni Dynah Diestro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.