35 illegal Chinese workers huli sa isang construction site sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 09:09 PM

Nasa 35 illegal Chinese workers ang nahuli ng Bureau of Immigration (BI) sa isang construction site sa Multinational Village, Parañaque Miyerkoles ng umaga.

Sa panayam sa DZMM, sinabi ni Dana Sandoval, spokesperson ng BI, na bahagi ng isang construction crew na nagtatayo ng mga bahay sa Parañaque ang mga nahuling illegal Chinese workers.

Ayon kay Sandoval, mga empleyado ng Filipino construction companies ang mga nahuling Chinese. Dahil sa reklamo laban sa mga banyagang trabahador, nagsagawa ng surveillance operation ang BI. 

"Isang linggo po 'yan minanmanan and na-confirm nga po na may mga illegal aliens na nag-tatrabaho ng construction," ani Sandoval.

Dagdag ni Sandoval, ordinaryong trabaho lang ang gawain ng mga nahuling Chinese katulad ng paglalagay ng floor tiles, pagmamasilya at pagmamason ng mga itinatayong bahay sa nasabing lugar.

"Ang mga trabaho pong iyon ay pinoprotektahan po natin," ani Sandoval.

Ayon kay Sandoval, walang tamang dokumento na naiprisinta ang mga nahuling Chinese workers at nagpanggap umanong mga turista ang mga ito. 

Dagdag niya, may pananagutan ang mga may-ari ng kompanyang kumuha ng mga nasabing Chinese workers.

"They could be held liable po. We will be forwarding this to DOLE (Department of Labor and Employment) itong mga pangalan ng mga kompanyang ito para ma-sanctionan," ani Sandoval.

Ayon kay Sandoval, hindi puwedeng magtrabaho ang mga foreign nationals sa bansa ng kahit anong blue-collar job. Ang mga trabahong ito ay maaaring gampanan ng mga Pilipino. 

"Mga technical at supervisional lang ang puwedeng ibigay (na trabaho) sa mga foreign national," ani Sandoval.

Nauna nang nagpahayag ng pag-aalala ang ilang grupo sa pagdagsa ng Chinese workers sa bansa dahil maaaring mapunta sa kanila ang mga trabahong para sa mga Pilipino. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.