PatrolPH

2 Tsino, 2 Pinoy arestado sa pagkuha ng agarwood sa Leyte

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 08:05 PM

Arestado ang 2 Chinese national at 2 pa nilang kasamang Pilipino na umano'y sangkot sa pagputol ng punong kahoy sa Barangay Burubud-an sa bayan ng Abuyog, Leyte nitong Linggo.

Base sa impormasyon mula kay Police Captain Ronald Espina, hepe ng Abuyog Police, ilang impormante ang nagsumbong sa kanila ukol sa transaksiyon ng bilihan ng agarwood mula sa kahoy ng punong lanete o lapnisan na kabilang sa endangered species ng puno sa nasabing barangay.

Ang agarwood ay bahagi ng piling punong kahoy na ginagamit sa insenso, pabango at maliliit na wood carving.

Arestado sa operasyon sina Shisheng Che, 34, at Jianchong Zhu, 33, na kapwa taga Fijian, China.

Kasamang inaresto sina Leo Lim, 36, na taga Davao del Sur at Grace Ann Austria, 34, na residente ng Davao City.

Nakuha sa kanila ang aabot sa 9.4 kilo ng agarwood na may market value na P400,000. Nakuha rin sa kanila ang isang digital weighing scale at ang SUV na sasakyan ng mga suspek.

Sinampahan na ang mga suspek ng kasong paglabag sa Forestry Code at Executive Order 23 Series 2011, pero nakalaya rin ang mga ito nitong Martes matapos makapagpiyansa ng P70,000 bawat isa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.