2 dawit sa pagpatay sa kapwa teenager sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 06:10 PM | Updated as of Jun 19 2019 09:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto noong Martes ang 2 teenager na suspek sa pagpatay sa kapwa teenager sa bayan ng General Trias, Cavite.

Kinilala ng General Trias police ang mga suspek bilang sina alyas "Orac" at alyas "Papot," kapwa 15 anyos at nahuli sa buy-bust operation sa Barangay San Francisco.

Dawit ang 2 sa pagbaril at pagpatay noong Hunyo 9 kay Alfie Duhig, 17 anyos, ayon kay Police Col. William Segun, direktor ng Cavite police.

Nag-ugat ang galit ni "Orac" kay Duhig matapos umano nitong bastusin ang kanyang kapatid, ani Segun.

Inamin ni "Orac" ang pagbaril kay Duhig habang si "Papot" naman ang nagmaneho ng motorsiklong ginamit nila sa pagtakas.

Dalawang beses nang naaresto noon si "Papot" dahil sa ilegal na droga.

Pitong sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P56,000 ang nakumpiska sa mga suspek sa buy-bust operation.

Nahaharap ang 2 suspek sa mga kasong murder at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Desidido ang Cavite police na isailalim ang 2 suspek sa kanilang kustodiya kahit mga menor de edad pa ang mga ito.--Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.