'Sextortionist' nambiktima ng dalagitang nagpaayos ng cellphone

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2018 09:52 AM | Updated as of Jun 19 2018 10:06 AM

MANILA - Inaresto ang isang lalaki matapos umanong piliting sumama sa motel ang isang menor de edad kapalit ng hindi pagpapakalat ng maseselang litrato nito. 

Kuwento ng 17-anyos na biktimang si "Rona", nakilala niya ang 28-anyos na suspek sa internet at nagpakilala ito bilang cellphone technician. 

Ipinagawa ni Rona sa suspek ang kaniyang cellphone nang masira ang LCD nito. 

Hiningi aniya ng lalaki ang password ng cellphone. Nagtiwala si Rona at ibinigay ito. 

Dahil dito, nakopya ng suspek ang maseselang litrato sa cellphone, gayundin ang mga chat history ni Rona sa Messenger. 

Nagmakaawa ang dalagita na burahin ang files, pero sinabihan siya ng lalaki na sumama sa kaniya sa motel. 

Nagsumbong naman sa pulisya si Rona, dahilan para maaresto ang suspek nang makipagkita siya rito sa isang fastfood outlet na malapit sa isang motel sa Cubao. 

Inamin ng lalaki ang krimen at humingi ng tawad. Gayunman, desidido ang pamilya ng biktima na kasuhan siya. 

Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.