Sako-sakong NFA rice na natengga sa barko, ipamamahagi na

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2018 05:37 PM | Updated as of Jun 19 2018 09:23 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Matapos matengga nang halos dalawang linggo ay naibaba na sa barko ang aabot sa 220,000 sako ng NFA rice sa Zambales.

Nagmula ang mga bigas sa Vietnam at Thailand.

Agad ikinarga ng National Food Authority (NFA) ang tone-toneladang bigas sa mga trak upang hindi anila masira ang kalidad ng mga ito.

Ang mga inangkat na bigas ay para maibsan ang kawalan ng stock sa NFA warehouse mula pa noong Marso.

"Para sa food security stocks natin dahil wala na tayo since end of March, wala nang laman ang ating mga bodega," ani Rex Estoperrez, regional director ng NFA Region 3.

Watch more in iWant or iWantTFC

Dumating ang mga barkong may lulan sa mga bigas noong Hunyo 5 ngunit hindi agad naibaba bunsod ng masamang panahon.

"Hindi natin puwedeng madaliin dahil 'pag nabasa ang bigas, wala nang pakinabang," dagdag ni Estoperrez.

Siniguro naman ng NFA na ligtas ang mga inangkat na bigas.

"Pasok naman siya so far doon sa una nating kinuha [na sample mula sa mga trak]. Sana hanggang sa huli para wala na tayong problema," saad ni Joan Pajarillo, laboratory technician ng NFA-3.

Inaasahang bago matapos ang buwan ng Hunyo ay darating ang karagdagang 500,000 sako na inangkat para sa rehiyon 2 at 3.

Aabot sa 10 milyong sako ng imported NFA rice ang ibabahagi ng gobyerno sa buong bansa hanggang Agosto.

-- Ulat nina Trisha Mostoles at Thea Omelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.