Relief goods sa mga residente ng Boracay kinakalawang, may insekto

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2018 12:00 PM

BORACAY ISLAND - Ikinatuwa na sana ng mga residente ng Barangay Balabag dito ang natanggap nilang relief goods mula sa Department of Social Welfare and Development at lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ngunit ang tulong na sana ay makakapagbusog ng tiyan, naitapon lang sa basurahan.

Ito'y matapos matanggap ng ilang mga residente ang kinakalawang na mga delata, bumubula na ang mga laman nito. Pati ang ibinigay na bigas ay may kasama pang insekto.

Nangingitim ang canned meat loaf na binigay sa isang residente ng Boracay bilang ayuda. Ester Bendola
Bumubula naman ang sardinas na natanggap ng naturang residente. Ester Bendola

Magluluto sana ng pananghalian si Ester Bendola, residente ng Balabag, ngunit nang binuksan niya ang delatang sardinas at meat loaf nakita niyang ito ay umiitim na at bumubula.

"Sana nasa mabuting kundisyon naman ang ibinigay nilang goods, kawawa naman kami. Paano kung yung mga bata ang nakabukas?" aniya.

Dagdag pa ni Bendola, 2020 ang expiration date ng mga delata kaya nagtaka ito kung bakit panis na ang laman.

Ayon kay Leo Guintilla, administration chief ng DSWD sa Western Visayas, posibleng nagka-leakage at nakontamina ang mga canned goods at bigas habang dinadala patungong Boracay.

Aminado si Guintilla na galing sa kanilang warehouse sa Iloilo city ang mga goods at hindi rin nila itinangging may kakulangan nga sila sa pag monitor ng hauling ng mga relief goods.

Nakatanggap na umano ang kanilang tanggapan ng 8 reklamo mula sa mga residente at agad naman nilang pinalitan ng bagong canned goods at bigas ang mga kontaminadong ayuda.

Dahil sa nangyari, mas paiigtingin pa ng ahensya ang quality control ng mga relief goods bago ibigay sa nga benepesyaryo, ani Guintilla.