Pari, person of interest sa pagkamatay ng babaeng umano'y naanakan nito

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2018 06:13 PM

NAGA CITY - Isang pari mula sa Archdiocese of Caceres ang isa sa mga iniimbestigahan ng pulisya kaugnay ng pagkamatay ng isang babae noong nakaraang linggo.

Pirmado ni Fr. Darius Romualdo ang inilabas na pahayag ng simbahan tungkol sa pagkamatay ni Jeraldyn Rapiñan.

Nakikiramay ang simbahan sa pamilya ng biktima at nagsasagawa ng sariling imbestigasyon.

Noong nakaraang Biyernes, natagpuan ang bangkay ni Rapiñan sa San Fernando, Camarines Sur.

Nakaposas at nakagapos ito nang itinapon sa tabi ng kalsada.

Sa follow-up operation ng San Fernando Police, lumalabas na isang pari ang posibleng may kinalaman sa insidente.

May 5-buwang anak ang biktima na sinasabing ang mismong pari ang ama.

Ikinabigla ito ng simbahan pero ang pamilya ng biktima, wala pang lakas loob na isapubliko ang pangalan ng nasabing pari.

Nagtutulungan na ang Provincial Police Office at ang binuong task force para sa agarang pagkalutas ng kaso.

Iniipon ngayon ang mga kopya ng CCTV footage at iba pang ebidensiya na makakatulong sa pagtukoy sa sangkot sa krimen.

Siniguro naman ng pamunuan ng Archdiocese of Caceres na suspensiyon o tuluyan nang pagtanggal sa Simbahang Katolika ang haharapin ng nasabing pari kung mapatunayang nagkasala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.