Pagsibak kay Sereno bilang chief justice, pinagtibay ng SC: sources

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2018 01:04 PM | Updated as of Jun 19 2018 09:16 PM

Pinal na ang pagkakasibak ni Maria Lourdes Sereno bilang punong mahistrado matapos ibasura ng Korte Suprema ang kaniyang motion for reconsideration (MR) laban sa desisyon ng en banc sa quo warranto petition.

Ayon sa mga source ng ABS-CBN News, walong mahistrado ang nagbasura sa MR ni Sereno habang anim lang ang nagsabing dapat itong pagbigyan. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Dagdag pa ng mga source, ibinasura ang MR sa kadahilanang wala itong sapat na merito.

Matatandaang napatalsik si Sereno bilang chief justice noong Mayo 11.

Bunsod ito ng kasong isinampa ng Office of the Solicitor General (OSG) na kumukuwestiyon sa kaniyang integridad na pamunuan ang hudikatura.

Ayon sa OSG, hindi dapat natalaga si Sereno sa Supreme Court dahil kulang ang ipinasa nitong mga Statement of Assets, Liabilities, and Net worth (SALN).

Dagdag naman ng mga source, inatasan na ng SC ang Judicial and Bar Council (JBC) na buksan ang aplikasyon sa bakanteng posisyon ng chief justice. 

-- Ulat nina Johnson Manabat at Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.