Karo ng patay di sumipot; namayapang ama isinakay sa 'tora-tora'

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2018 11:56 AM

Imbes na sa karo, sa tora-tora ng kapitbahay isinakay ang labi ng isang padre de pamilya matapos umanong hindi sumunod sa usapan ang isang punerarya. Larawan mula kay Sanny Abenido

TALISAY, Cebu - Napilitan ang isang pamilya sa bayan na ito na isakay ang namayapang haligi ng kanilang tahanan sa tora-tora ng kapitbahay matapos silang hindi siputin ng nirentahang karo ng patay.

Kuwento ni Liza Cabigas, inarkila nila ng P12,000 nitong Linggo ang karo ng isang punerarya para ihatid sa misa sa Barangay Dumlog ang labi ng kaniyang ama na namatay dahil sa cancer.

Hindi aniya dumating sa tamang oras ang karo kaya isinakay na lang nila sa tora-tora ang labi ng ama para umabot sa misa.

"Para talaga kaming nag-fun run na naghatid sa aming ama. Nahiya ako dahil para kaming naghatid ng baboy," daing niya sa panayam ng ABS-CBN News.

Dagdag niya, nakarating na sila sa simbahan nang sumipot doon ang karo. Sinabihan lang aniya sila ng kinatawan ng funeral parlor na may sakit ang driver kaya ito hindi nakasunod sa usapan.

Ibinahagi naman sa Facebook ni Sanny Abenido, pinsan ni Cabigas, ang mga litrato ng insidente. Umani na ng 300 shares ang kaniyang post, Martes ng umaga.

"Gusto ko lang matuto ang funeral parlor na hindi na maulit pa ang nangyari sa iba nilang client," sabi ni Abenido.

Wala ang may-ari at manager ng punerarya nang puntahan ng ABS-CBN News para kuhanin ang kanilang panig.

Nais ng pamilya Cabigas na humingi ng public apology ang punerarya at ibalik ang kanilang bayad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.