Ilang lumikas sa Tubaran, dati nang 'bakwit' mula Marawi

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2018 09:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dahil sa sagupaang sumiklab noong Linggo sa pagitan ng militar at mga natitirang miyembro ng teroristang grupong Maute, napalikas ang mga residente ng 11 barangay o kalahati ng bayan ng Tubaran, Lanao Del Sur.

Kasalukuyang nasa magkahiwalay na evacuation center ang nasa 5,400 evacuee, kabilang ang ilang dating lumikas mula Marawi nang maghasik ng lagim doon ang mga Maute noong nakaraang taon.

Isa rito si Aidah Abanol na "bakwit" mula sa ground zero ng Marawi.

Nasira ang kaniyang bahay sa limang buwang bakbakan kaya lumipat siya sa Tubaran pero muli siyang naipit sa panibagong engkuwentro.

"Sobrang hirap ngayon na nagsisimula pa lang, siyempre nag-bakwit kami galing Marawi," ani Abanol.

Tinitiis ng karamihan ng mga lumikas mula Tubaran ang pagtulog sa malamig ng sementong sahig, walang kutson o ano mang sapin.

Nangangamba naman ang lumikas na si Said Solaiman sa posibilidad na masira ang kaniyang mga ari-arian.

"Ang ipanawagan namin sa kanila, hindi nila masira... 'yong lahat na kayamanan namin [na] nandito sa bayan namin," ani Solaiman.

Bukod sa pagkain at tubig, problema rin ng nasa 900 evacuee sa Tubaran Elementary School ang nag-iisang palikuran.

"Although may palikuran kami, kulang pa rin so kung may mabuting loob diyan, baka puwedeng mag-donate ng kahit man lang mga construction material para sa comfort room," ani Casamela Sidic ng Department of Social Welfare and Development sa Tubaran.

Namigay na ng relief goods ang munisipyo at provincial government ng Lanao Del Sur, pero nagbabadya pa rin ang posibilidad na sa kalaunan ay maubos ang suplay ng tubig at pagkain.

May 30 pang mga miyembro ng Maute group ang hinahabol ng militar sa kabundukan ng mga bayan ng Tubaran at Pagayawan.

"Ito 'yong core group na lumaban sa Marawi City pero umalis sila nang mas maaga," ani Joint Task Group Ranao deputy commander Colonel Romeo Brawner. 

"Sa ngayon hindi na tayo gagamit ng air strikes o artillery fires dahil nag-disperse na rin iyong grupo," dagdag ni Brawner.

Nakubkob na ng militar ang pinagkutaan ng mga terorista.

Kinokompirma rin ng militar ang impormasyong posibleng sugatan ang tumatayong lider ng grupo na si Owayda Benito Marohombsar alyas Abu Dar.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.