Higit 1,300 pamilya lumikas dahil sa bakbakan sa Lanao del Sur

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2018 09:12 PM | Updated as of Jun 19 2018 09:39 PM

MAYNILA—Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga lumilikas na pamilya sa Lanao del Sur dahil sa patuloy na operasyon ng militar laban sa mga miyembro ng teroristang grupong Maute.

Umabot na sa 1,391 pamilya ang lumikas sa mga karatig lugar sa Tubaran at Binidayan ayon sa ulat ng tanggapan ng gobernador ng Lanao del Sur nitong Martes.

Tuloy naman ang ayuda ng lokal na pamahalaan sa mga pamilyang lumikas.

Matatandaang binomba ng mga eroplano ng Philippine Air Force ang Tubaran noong Linggo kung saan tinatayang may 40 miyembro pa ng Maute, kabilang ang lider nilang si alyas Abu Dar.

Isa si Dar sa may mahalagang papel sa giyera sa Marawi noong nakaraang taon.

Natunton ng mga awtoridad sa Tubaran si Abu Dar dahil sa pagkakasangkot umano niya sa pagkamatay ng isang kandidato sa halalan noong Mayo, ayon kay Joint Task Group Ranao deputy commander Colonel Romeo Brawner. 

Bago naging miyembro ng Maute, naging miyembro si Abu Dar ng Dawah Islamiya at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Nakaligtas si Abu Dar sa militar dahil siya ang naatasang lumabas ng main battle area sa Marawi para mag-recruit ng mga bagong miyembro. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.