'Dengvaxia, nakasasama sa mga nabakunahang di pa nagkaka-dengue'

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2018 08:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Napatunayan sa isang bagong pag-aaral ng New England Journal of Medicine (NEJM) na hindi ligtas ang bakunang Dengvaxia kapag naiturok sa mga hindi pa nagkakaroon ng dengue. 

Ayon kasi sa NEJM, kung walang naging dengue infection dati ang pasyente, ang Dengvaxia mismo ang nagsisilbi bilang "unang infection."

"Our findings support the hypothesis that, in the absence of previous dengue exposure, the dengue vaccine partially mimics primary infection and increases the risk of severe dengue during subsequent infection," ayon sa bahagi ng nasabing pag-aaral.

Tugon naman ng Department of Health (DOH), bubusisiin nila ang bagong pag-aaral at maaari rin itong ilakip sa posibleng kasong isampa laban sa Dengvaxia-maker na Sanofi Pasteur.

"Ating bubuuin ang lahat ng dokumentong ito, itong sa New England Journal of Medicine at ipapasa din natin ito sa mga scientist ng UP-National Institute of Health (UP-NIH). [K]asi kailangan mo dito malakas na scientific evidence kung saka-sakaling magsasampa ng kaso para managot ang Sanofi," ani Health Secretary Francisco Duque III. 

Dumepensa naman ang Sanofi at sinabing agad silang naglabas ng bagong rekomendasyon noong Nobyembre 2017 kaugnay sa parehong findings. 

Samantala, abala ngayon ang DOH sa pakikipag-ugnayan sa mga scientist sa bansa para sa pagde-develop ng dengue test upang malaman ang pre-vaccination status ng mga nabakunahan ng Dengvaxia. 

Pinaplantsa na rin ng ahensiya ang pagkakaroon ng specialty centers. Ito ay mga piling ospital sa bansa kung saan sila mismo ang tutugon sa mga komplikadong kaso ng dengue. 

--Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.