40 miyembro ng Maute na umatake sa Lanao del Sur, tinutugis

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2018 02:11 PM

Tinutugis ngayon ng militar ang may 40 miyembro ng Maute-ISIS group sa Tubaran, Lanao del Sur na siyang sumalakay din sa Marawi City noong nakaraang taon. 

Kasunod ito ng muling sumiklab na gulo sa Lanao del Sur noong Linggo.

Ayon sa militar, ito ay ang grupo na matagal nang nagtatago sa Tubaran at mga kalapit na bayan, kabilang na si Abu Dar o Owaya Beneito Morohombasar.

"Matagal na po 'yung ating intelligence operation [on]...the group of Abu Dar or Owaya Beneito Morohombasar so ngayon marami tayong reports of sightings sa lugar na ito...[B]ecause of this incessant reports naglunsad na tayo ng operation," ani Colonel Romeo Brawner, deputy commander ng Joint Task Force Ranao. 

Dagdag nila, hindi pa naman opisyal na kinikilala si Abu Dar bilang bagong emir ng ISIS sa Pilipinas pero hindi nila kinakaila ang naging partisipasyon niya sa Marawi siege. 

Sa video ng Maute na narekober ng militar noon, makikita si Abu Dar sa tabi ni Isnilon Hapilon habang pinaplano ng grupo ang kanilang pagsalakay sa Marawi. 

Bago naging miyembro ng Maute, naging miyembro muna si Abu Dar ng Dawah Islamiya at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Gaya ni Abdullah Maute, kumalas ito sa MILF nang mawalan umano ng tiwala sa peace process. 

Ayon pa sa ulat ay isa rin itong Muslim scholar sa Qatar at Jordan. Nakaligtas siya sa militar dahil siya ang naatasang lumabas ng main battle area para mag-recruit.

Paghahatid ng ayuda sa mga bakwit, pahirapan

Sa takot na madamay ay nagsilikas naman ang nasa 2,000 pamilya at pansamantalang nananatili ngayon sa mga paaralan simula Linggo. 
    
Hindi agad makapasok ang Lanao del Sur social welfare office kaya umalalay na rin ang mga local government unit (LGU) ng host communities lalo't walang nabitbit na pagkain ang karamihan sa mga bakwit.

"As soon as ma-open na 'yun, puwede na naming pasukin by the order ng Armed Forces of the Philippines (AFP) deretso na kaming papasok...para rin sa safety ng responders. Wala pa kasi talagang data na puwede na," ani Maharlanny Alonto ng social welfare office ng bayan. 

Samantala, tiniyak naman ng Lanao del Sur LGU na hindi na mangyayari sa lugar ang nangyari sa Marawi City.

"We learned a hard lesson from Marawi...that's why we are strengthening our coordination with the local government units," ani Zia Adiong, tagapagsalita ng Lanao del Sur Crisis Management Committee.
 
Dahil kakaunti na lang umano ang grupo ni Abu Dar kasunod ng pagsuko ng mga kasamahan nila nakaraang buwan, umaasa ang gobyerno na matatapos agad ang mga operasyon nito. 


--Ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.