PatrolPH

Higit 100 pamilya nawalan ng bahay sa sunog sa Navotas

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2021 05:31 PM

MAYNILA — Mahigit 100 pamilya ang nawalan ng bahay matapos masunog ang residential area sa Riverside Street sa Barangay San Rafael, Navotas City nitong Biyernes ng umaga.

Watch more on iWantTFC

Batay sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), bandang 7:38 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa magkakadikit na bahay na gawa sa light materials.

Mabilis na kumalat ang apoy kaya umabot sa ikalawang alarma ang sunog at natupok ang 70 bahay.

Walang naiulat na nasugatan pero 110 pamilya ang naapektuahan.

"Paglabas ko ng bahay papasok ako ng trabaho nakita ko lang 'yung apoy kumakalat na eh, pilit naming isinasalba nung mga kapitbahay pero wala hindi na talaga kaya eh... Hindi na ako nakapasok," sabi ni Danilo Alonzo, isa sa mga nasunugan. 

Pansamantalang ililipat muna sa San Rafael Elementary School ang mga nasunugang pamilya.

Nananawagan sila ng tulong tulad ng pagkain, damit, at iba pang mga pangunahing pangangailangan.

Inaalam pa ang sanhi ng sunog pati na ang halaga ng pinsala.

Bandang alas-9 ng umaga nang tuluyang naapula ang sunog.

— Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

KAUGNAY NA VIDEO 

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.