PatrolPH

Binatilyo, patay sa pananaksak sa Aklan

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2021 02:25 PM

Binatilyo, patay sa pananaksak sa Aklan 1
Inundayan ng saksak ng suspek na barangay Tanod ang mag-tiyuhin na nakaalitan umano nito sa New Washington sa Aklan. Dead on arrival sa pagamutan ang 17-anyos na biktima habang nasa ospital pa ang tiyuhin nito. Larawan mula sa New Washington Police

Patay ang isang 17-anyos na binatilyo habang sugatan naman ang tiyuhin nito sa insidente ng pananaksak sa Barangay Mataphao sa New Washington, Aklan, Huwebes ng gabi.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na ang binatilyo kasama ang tiyuhin nitong si Rian Rencio, 25-anyos, galing sa isang lamay. Nagkataon umanong nakasabay nila ang suspek na isang barangay tanod.

Nagkaroon umano ng pagtatalo sa pagitan ng mga biktima at suspek matapos pagsalitaan ng hindi maganda ng huli ang mag-tiyuhin.

Sinuntok umano ng binatilyo ang suspek pero nasaksak siya sa dibdib.

Maging si Rencio na nagtangkang umawat ay sinaksak din ng suspek.

Kaagad rumesponde ang mga opisyal ng barangay kasama ang pulisya at dinala ang mag-tiyuhin at ang suspek sa pagamutan.

Pero idineklarang dead on arrival na sa pagamutan ang binatilyo.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente para matukoy ang motibo sa pananaksak. Inihahanda na rin nila ang kasong homicide at serious physical injury laban sa suspek.

- Ulat ni Rolen Escaniel

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.