21 'misdeclared' luxury cars winasak ng Customs sa Cagayan de Oro, Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2021 04:47 PM

MAYNILA - Winasak ng Bureau of Customs ang aabot sa 21 na mamahaling sasakyan dahil sa misdeclaration at hindi pagbabayad ng tamang buwis.

Nagmistulang pinitpit na lata ang pitong mamahaling sasakyan na nakumpiska ng Bureau of Customs matapos itong wasakin nitong Biyernes sa compound ng BOC sa Maynila.

Watch more News on iWantTFC

 

Kasabay niyan, winasak din ang 14 na sasakyan sa Port of Cagayan De Oro. 

Hindi umano idineklara sa mga dokumento ang tunay na brand at gawa ng mga kotse. 

Nasa P35 hanggang P40 milyon dapat ang halaga ng buwis na babayaran para dito pero dahil misdeclared, nasa P3 milyon lang ang nais bayaran ng importer.

Ayon sa tagapagsalita ng BOC na si Vincent Maronilla, karamihan sa mga winasak na sasakyan ay ganito ang paraan ng pagkakapasok sa Pilipinas, pero nabuking umano ang mga ito pagdating sa X-ray inspection.

Hindi raw tugma ang mga description sa papeles at sa mga detalye na nakita sa X-ray visual ng mga sasakyan. 

Wala sa mga importer ang nakipag-ugnayan sa Bureau of Customs para ayusin o bigyang-linaw ang mga papeles ng mga kotse, ayon sa tanggapan. 

Mahaharap sa samu’t saring kaso ang mga importer na masasangkot sa mga ganitong sitwasyon.

— Ulat ni Wheng Hidalgo, ABS-CBN News