TINGNAN: Foot bath, hand sanitizer dispensers na gawa sa recycled plastic sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 02:00 PM

Nangongolekta ngayon ang Winder Recycling Company ng mga basurang plastic na bote at pambalot ng pagkain para gawin itong foot bath at lalagyan ng mga sanitizer. ABS-CBN News

Bumuo ng kampanya ang isang kompanya sa Davao City para makatulong sa pag-iingat kontra COVID-19 habang binabawasan ang basura sa kapaligiran.

Nangongolekta ngayon ang Winder Recycling Company ng mga basurang plastic na bote at pambalot ng pagkain para gawin itong foot bath at lalagyan ng mga sanitizer. 

Sisirain at tutunawin nila ang mga plastik at gagawing foot bath at foot-operated na hand sanitizer dispensers. 

Katumbas ng 5 hanggang 8 kilo ng plastic ang ginagamit para sa isang foot bath. 

Ayon sa kompanya, aabot sa 40 hanggang 50 foot baths ang nabubuo nila araw-araw.

Ayon kay Winchester Lemen, may-ari ng kompanya, hakbang ito para mabawasan ang basura habang tumutulong naman laban sa banta ng COVID-19. 

"Ito po ay parang hitting 2 birds with one stone dahil nakatulong tayo sa environment at naprotektahan natin ang ating sarili, ang ating sapatos, bago tayo pumasok sa bahay o sa mga establishment,” ani Lemen. 

Kung taga-Mindanao, mabibili ang foot bath sa halagang P600. Kung taga-Visayas naman o kaya Luzon, mabibili ito sa halagang P1,000. 

Samantala, inaabot ng P2,000 ang foot-operated hand sanitizer para sa mga taga-Mindanao, habang nasa P2,600 naman ang foot bath para sa mga taga-Visayas at Luzon. 

— Ulat ni Chastine Montaño, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.