TINGNAN: 'Catechetical' na tema ng physical distancing sa simbahan sa N. Ecija

Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 03:15 PM | Updated as of Jun 18 2020 03:33 PM

Larawan ng mga santo at natatanging indibidwal ng Simbahang Katolika ang nagsisilbi bilang divider sa mga upuan sa loob ng Immaculate Concepcion Parish sa bayan ng Llanera sa Nueva Ecija. Larawan mula sa Immaculate Concepcion Parish ng Llanera

LLANERA, Nueva Ecija - Isang simbahan sa bayang ito ang nagpatupad ng kakaibang paraan sa pagsunod na health protocols para sa "new normal".

Sa Immaculate Concepcion Parish, imbes na tapes, mga larawan ng mga santo at natatanging indibidwal sa Simbahang Katolika ang inilagay sa mga upuan bilang markers para masunod ang physical distancing protocol.

Ayon kay parish priest Fr. Louie Cañiza ngayong Huwebes, nais niyang maipakilala ang mga santo at magkaroon ng "curiosity" ang publiko sa buhay at sakripisyo ng mga ito.

"Mas maganda sana, instead of kung ano man yung upuan, why not make it more theological or something like catechetical nang sa gayon ang mga tao ay makilala nila kung sino yung mga santo ng simbahan," paliwanag niya.

"At the same time, pag-uwi nila, magkaroon sila ng research and eventually, ma-invite nila yung spirituality ng saints."

Aabot sa higit 100 na larawan ng santo, apostoles at mga nagtatag ng congregation ng simbahan ang inilatag sa mga upuan.

Naglagay rin ng mga monoblock na upuan sa labas ng simbahan para sa mga hindi makapasok.

Tuloy pa rin ang online o virtual mass.

Ipinaparating ng simbahan na bawal pa ring dumalo sa misa ang mga senior citizen at 21 anyos pababa.

May mensahe naman ang simbahan sa lahat ng humaharap sa krisis dahil sa COVID-19 pandemic.

"There still hope hangga't nabubuhay ang tao. Nandito ang simbahan to help the people to get closer to God," sabi ni Cañiza.