Sari-saring grupo sumugod sa DSWD para iprotesta ang 'kulang' na SAP

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 03:41 PM

MAYNILA — Sumugod ang grupong Gabriela kasama ang ilang mga vendor, tricycle at jeepney drivers, at iba pa patungo sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Batasan Road, Quezon City nitong Huwebes.

Bitbit ang mga placard habang naka-physical distancing, malakas ang pagsigaw ng mga grupo na ang tulong pinansiyal mula sa social amelioration program (SAP) ay hindi sapat sa lahat.

Pangunahing panawagan nila na pagtuunan ng masusing pansin ang agaran, maayos, at tuloy-tuloy na pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng SAP.

Ayon kay Maritess Arboleda ng Gabriela, hindi sapat ang ibinigay na cash aid para sa mga nangangailangang Pilipino na apektado ng pandemyang COVID-19.

Kulang aniya ang halagang P8,000 bilang pantustos sa gastusin ng bawat pamilya sa naunang 2 buwan ng pandemya, lalo pa't maraming manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay. 

Binatikos din ng grupo ang kakulangan umano ng gobyerno sa pagtugon sa COVID-19 tulad ng kawalan ng mass testing at ang pamimilit sa anti-terror bill sa gitna ng pandemya.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.