Roque bumuwelta sa mga patutsada ng 'pinag-resign' na COVID-19 adviser

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 05:59 PM

MAYNILA — Inalmahan ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang umano'y pasaring ni public health expert Tony Leachon, isang adviser ng National Task Force against COVID-19 na pinag-resign umano dahil sa kaniyang mga pahayag na salungat sa pamahalaan.

Itinanggi ni Roque na sila ni Health Secretary Francisco Duque III ang nasa likod sa pagpapaalis kay Leachon. 

Pero inamin ni Roque na nababahala ang task force sa ilang beses na kinukuwestiyon ni Leachon sa mga datos ng Department of Health (DOH). Pinagmumukha aniya ni Leachon na sinungaling ang mga nasa gobyerno. 

Nakarating din aniya ito kay Pangulong Rodrigo Duterte na nagsabi aniya kay Secretary Carlito Galvez, pinuno ng task force, na hindi niya nagugustuhan ang mga pahayag ni Leachon. 

"Huling pagpupulong kay President, nanggaling na mismo kay Presidente [na] bakit nagsasalita nang ganito si Leachon. So let me correct you Dr. Leachon, hindi po ako or si Secretary Duque, mismong Presidente po noted that you should not be doing what you are doing," ani Roque.

Nilinaw naman ni Roque na hindi sinabi ng Pangulo na mag-resign si Leachon at hindi rin aniya naiintindihan ng task force kung ano nga ba ang role niya sa COVID-19 response. 

Si Galvez aniya ang nagdesisyon na itigil na ang kaniyang serbisyo bilang adviser matapos marinig ang pahayag ni Duterte. 

Nanindigan naman si Roque na transparent ang DOH at wala itong tinatago pagdating sa reporting ng COVID-19 cases. 

"Kaya nga po kami nagalit eh, kasi pinalalabas niyang sinungaling lahat, except siya. Hindi naman pupuwede na siya lang ang nagsasabi ng katotohanan. Ang datos inilalabas natin, there is a need to improve iyong reporting ng datos to make it accurate, pero wala pong nagsisinungaling," sabi ni Roque. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.