PatrolPH

Rectal exam, ultrasound: Mga pagsusuri para maagapan ang sakit sa prostate

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 04:49 PM | Updated as of Jun 18 2020 05:14 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Kasabay ng pagtanda ng mga kalalakihan ay ang hindi maiiwasang paglaki ng kanilang mga prostate o prostata, isang organ na responsable sa pag-produce ng likidong pinaglalabasan ng sperm cell ng mga lalaki. 

"Isang organ [ito na] pinanggagalingan ng likido for ejaculation so very important siya kasi galing doon ang sperm natin when we ejaculate," paliwanag ni Dr. Juliano Panganiban, isang urologist sa St. Luke's Medical Center. 

Ayon kay Panganiban, ang prostate ay nasa isang "problematic area" ng katawan. 

"So ang problema ng prostate gland ay nasa lugar siya na problematic... sa ilalim ng pantog. As we grow older humaharang sa daluyan ng ihi so nagkakaproblema 'yung mga lalaki."

Dahil dito, naaapektuhan ang pag-ihi ng mga lalaki sa paglaki ng prostata. 

"Inevitable" o hindi aniya maiiwasan ang unti-unting paglobo ng prostate pagtungtong ng edad na 30 pataas. 

"As you grow older 30, 50, 60, unti-unting lumalaki talaga 'yung prostate natin, inevitable talaga 'yan. By the time you reach 60 malaki na talaga siya." 

Dahil dito, inirerekomenda ni Panganiban ang 3 mahahalagang pagsusuri sa prostata na maaaring hakbang para maagapan ang sakit. 

• Digital rectal exam (DRE)
• Prostate-specific antigen (PSA)
• Ultrasound

Pinakamahalaga daw dito ang rectal exam, na madalas kinatatakutan ng mga lalaki. 

"Inaalam kung gaano kalaki ang prostate gland at gaano katigas. Kapag parang buto o knuckle ang prostate, almost 30 to 50 percent diyan may chance na cancer siya. Pero kung parang sa ilong mo at malambot most probably it's benign." 

Kung may history ng prostate cancer sa pamilya, dapat ay edad na 40 ay magpa-check na ng prostata. 

"Kung may history ka ng prostate cancer, 40 years old magpa-check-up ka na, magpa-DRE ka na, PSA, at ultrasound. Otherwise wait for 50 years old," payo ni Panganiban. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.