Quarantine violators sa sitio sa Taytay nagtatanim bilang community service

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 04:27 PM | Updated as of Jun 18 2020 05:15 PM

MAYNILA -- Sa halip na ibilad sila sa ilalim ng araw, nakahanap ng isang produktibong paraan ang mga opisyal ng isang sitio sa Taytay, Rizal para madisiplina ang mga taong nahuhuling lumalabag sa quarantine protocol.

Ilang oras pinagtatanim ang mga quarantine violator sa Sitio Bato-Bato II sa Barangay Dolores.

Isang bakanteng lote sa sitio ang ginawang vegetable garden para rito.

"Sila [residents] po ang magbe-benefit. Wala pong bayad, kukuha lang po sila diyan... 'Pag may itinanim, may aanihin. Kapag nagugutom sila, may mapagkukunan," ani Jeffrey Bernardez, purok chairman ng Sitio Bato-Bato II.

Mula nang ipatupad ang community quarantine noong Marso, hindi bababa sa 50 violators, karamihan ay mga kabataan, ang "naparusahan" dahil sa paglabag sa curfew hours at hindi pagsuot ng face mask.

Matapos ang community service, pinauuwi rin ang mga violator.

"Lahat ng violators ay pinagtatanim namin sila, tinuturuan magpatag ng lupa, mga damo pinatatanggal namin," ani Aldrin Calumpiano, leader ng Sangguniang Kabataan sa sitio.

Ang mga youth leader sa komunidad ang namamahala sa garden, kung saan may mga tanim na watermelon, squash, patola, oktra, eggplant, string beans at ampalaya.

Sang-ayon naman ang isa sa mga nahuling lumabag na si Leonard Badiajon na ang kanilang komunidad ang makikinabang sa pagtatanim.

"Imbes na tumambay sa gabi, magtanim nalang po... Wala man pong pambili ng pagkain, nandyan ang mga gulay na tinamin namin," aniya.

Ngayong Huwebes, nag-donate ang local government ng Taytay ng mga binhi at gardening tools para maipagpatuloy ng sitio ang proyekto.

"Farm inputs po. Seedling trays. Assorted seeds. Namigay din tayo ng organic fertilizer," ani Ramsen Andres, assistant agricultural officer ng Taytay.

"Pino-promote namin ang urban gardening. Habang nasa bahay ang tao, may ginagawa sila," dagdag niya.

Nais ng lokal na pamahalaan na gumaya rin ang ibang barangay sa proyekto para magkaroon ng food supply.

"We are ensuring food security ng mga mamamayan sa Taytay," ani Taytay public information officer Mark Jay Valdez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.