Pagsuspinde sa 'Universal Health Care' law isinusulong ng PhilHealth

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 06:12 PM | Updated as of Jun 18 2020 07:11 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Ipinasuspinde muna ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang tuluyang pagpapatupad ng Universal Health Care sa taong 2021, sa pangambang kakapusin ang budget para pondohan ito. 

Sa ilalim ng batas, layong gawing miyembro ang bawat Pilipino at gawing abot-kaya ang tulong medikal lalo sa mga nakatira sa malalayong lugar. 

Pero naantala ang tuluyang pagpapatupad nito dahil din sa kakulangan ng pondo. 

Ayon kay PhilHealth President and CEO RIcardo Morales, posibleng kapusin na ng pondo ang UHC dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Aabot lang aniya sa P71 bilyon ang ibinigay na subsidiya sa kanila ng gobyerno mula sa hinihinging P150 billion. 

“We were not given the subsidy that we asked. We asked for a subsidy of P150 billion for this year. We were given P71 billion. So that’s less than half,” ani Morales. 

At ngayon, PhilHealth ang may sagot sa mga ma-o-ospital alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Base sa PhilHealth circular 2020-009, sagot nila ang P43,997 hanggang P786,384 na gastusin ng isang pasyente, depende kung gaano kalubha ang kaniyang sakit. 

Sa ngayon, sapat pa ang pondo ng PhilHealth, bagama’t ginamit nila ang P130 bilyon mula sa reserve fund ng ahensiya. 

Nagkansela na rin umano ng mga aktibidad at programa ang PhilHealth para makatipid. 

Pero tiniyak ni Morales na sasagutin pa rin ng PhilHealth ang pangangailangang-medikal ng mga mamamayan para sa taong 2020. 

Inalmahan ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang nais ng PhilHealth. 

Giit ni Roque, dapat pagtuunan ng pansin ng tanggapan ang pagpapanagot sa mga umano’y tiwaling opisyal ng ahensiya, partikular na sa dialysis claim controversy noong 2019 na nagpapatuloy kahit patay na ang pasyente. 

“Nilagay kayo diyan dahil may corruption, ano na po ang ginawa niyo para linisin. Mayroong insider na nagsabi ang nawawala dahil sa corruption ay hindi P154 billion pesos over a period of 5 years. Wala tayong nakitang paglilinis ni Gen. Morales,” ani Roque, na may-akda ng batas noong kongresista pa siya. 

Sagot naman ni Morales, nakikipagtulungan naman sila sa mga awtoridad sa pagbibigay ng mga kaukulang dokumento. 

Sa ngayon, sinabi ni Morales na pasok pa naman sa timetable ang UHC. Ang pangamba lang nila, inaasahan ang mas malaking gastos sa ika-2 taong implementasyon nito. — Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.