Pagkalbo sa bahagi ng mangrove area sa Puerto Princesa, iniimbestigahan

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 06:01 PM

Halos umabot umano ng anim na ektarya ng mga bakawan ang kinalbo at sinunog sa Barangay Iwahig at Bucana-Matahimik sa Puerto Princesa. Kuha ni Rex Ruta

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan - Binisita Huwebes ng umaga ng mga representante ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan, kasama ang ilang sundalo, ang kinalbong bahagi ng mangrove area sa Barangay Iwahig at Bucana-Matahimik sa lungsod na ito bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon.

Inangkin diumano ang nasabing lugar ng kasisibak lang na hepe ng pulisya sa lungsod na si Col. Marlon Balonglong. Sinibak sa pwesto si Balonglong at iniimbestigahan matapos ang pambubugbog at pag-aresto noong nakaraang linggo sa grupo ng forest guards at mga tanod na nagsasagawa noon ng assessment sa mga bakawang pinasok ng informal settlers.

Ayon kay Forester Felizardo Cayatoc, officer-in-charge ng City Environment and Natural Resources Office, kailangan sumailalim sa assessment at imbestigasyon kung paanong nakalusot ang pagsunog at pagkasira ng halos nasa anim na ektaryang bakawan.

“Mayroong activity na ganyan, nag-i-encroach sila. Pero itong particular na area na ito na adjacent areas ay napakabilis. Of course, starting March 17, hindi na nakalabas ang mga tao natin hanggang katapusan ng April. Pero ito, naging buffer nila yung mga bakod. Kahit nasa highway siya, hindi mo mapapansin na may nangyayari dito sa loob,” sabi ni Cayatoc. 

Sabay sa pagbisita sa lugar ay ang paggiba sa ginawang bakod at muhon. Katuwang rito ang demolition team ng city government.

Nauna na ring giniba ang nasa mahigit 70 inabandonang istruktura at mga binakod na pwesto na pasok sa timberland o pagmamay-ari pa ng gobyerno.

"Pati maliliit na species ng mangrove ay i-a-account kasi ang timber, mayroon pong definition ang timber, yung sukat. Pero, yung mangrove species ho, kahit kaliit-liitan na sukat, considered na timber po yan," saad ni Forester Eriberto Sanos ng Provincial Environment and Natural Resources Office.

Kailangan anilang alamin ang kabuaang danyos ng nasirang bakawan, at ang lawak ng epekto nito sa mga buhay ilang at kalikasan. 

Mahigit 200 kabahayan na rin ang binigyan ng notice to vacate sa loob ng isang buwan. 

Ayon sa Palawan Council for Sustainable Development, malaking hamon sa probinsya ang pagpasok ng maraming immigrants na walang sariling lupa, at paglipana ng professional squatter dahil maraming mangrove area at kagubatan ang nasasalaula.

“May problema tayo sa ating human settlements at may problema tayo sa ating migration practices. Pag may magpasok na ibang tao galing ibang probinsya, ibang siyudad, tapos walang matirhan, ay magsi-settle yan kung saan may i-o-offer, or maghahanap ng ibang pwesto sa mga mangroves, sa mga timberland natin. Kaya marami tayong nakikitang mga sirang forestland natin,” ani Atty. TJ Matta, executive director ng PCSD.

Maliban sa kasong administratibo ay handa na ring ihain ng awtoridad ang mga kasong paglabag sa Forestry Code at Fisheries Code of the Philippines laban kay Balonglong at mga kasabwat nito.
 
Aminado naman ang CENRO na malaki ang kanilang pagkukulang kaya muling naulit ang malawakang pagsira ng bakawan sa lungsod. 

“This is a senseless destruction of biodiversity. Kung itsetsek ninyo ang background ng interview ninyo, you can hear the sound of birds in the background. Ibig sabihin, nagpapakita ang area na talagang very rich in biodiversity," sabi ni Atty. Carlo Gomez ng CENRO.

"But apparently, doon sa hanay ng kapulisan, kagaya ni chief Balonglong, wala sa kanyang vocabulary ang biodiversity,” dagdag ni Gomez.

Marapat lamang din umano na maideklara si Balonglong na persona non-grata dahil sa pang-aabuso sa kalikasan at paggamit ng dahas sa kapwa empleyado ng gobyerno. 

Magkakatuwang ang Inter-Agency Task Force on Environment sa pagbuo ng mga plano kung paano mapapanumbalik ang mayabong na bakawan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.