Mga jeep posibleng na umanong payagan sa Metro Manila pero may kondisyon: Roque

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 04:53 PM


MAYNILA — Inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Huwebes na posibleng magbalik-pasada na ang mga jeep sa Metro Manila pero wala siyang binigay na petsa para dito.

Aniya, hindi lahat ay papayagan kung hindi iyon lamang matutukoy ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na "road worthy." 

Isa pang isasaalang-alang ay kung hindi sapat ang bilang ng mga bus at modern public utility vehicles (PUV) para masakay ang lahat ng mga commuter sa Kamaynilaan. 

Dapat rin aniya susunod ito sa health standards na itinakda ng gobyerno pagdating sa public transportation. 

"Siyempre po hayaan nating pag-aralan iyan ng LTFRB although alam naman din ng LTFRB na wala tayo maibigay na alternative livelihood at kulang talaga ang mga sasakyan sa kalye, baka kinakailangang subject to health standards," sabi ni Roque. 

Pagdating naman sa provincial buses, hindi pa pinal kung mapapasama sila sa second phase ng mga papayagang public transportation sa Hunyo 22. 

Paliwanag ni Roque, nasama sila noon sa inisyal na listahan pero sa kondisyong dapat ay nasa modified general community quarantine na ang Metro Manila na hindi naman nangyari sa huling desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Pag-uusapan pa aniya ito ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases at magbababa ng pinal na desisyon sa provincial buses. 

Ang modern PUVs naman, kasado na ang operasyon sa second phase.

Sa huling ulat ni Roque, nasa 18,813 Transport Network Vehicle Service (TNVS) units na daw ang bumibiyahe sa Metro Manila, 16,701 na mga taxi, 271 na point to point buses, at 90 patuloy na nag-o-operate sa bus augmentation program ngayong GCQ.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.