PatrolPH

Kawani ng Coast Guard, unang kaso ng COVID-19 sa Hinobaan, Negros Occidental

Mitch Lipa, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 05:52 PM

Isang Philippine Coast Guard (PCG) officer ang kumpirmadong may COVID-19, ang unang kaso ng coronavirus disease sa bayan ng Hinobaan sa Negros Occidental. 

Ayon kay PCG Negros Station Commander Jansen Benjamin, galing Bohol ang 39 anyos na instructor sa PCG Training Center sa Hinobaan. 

Pagdating sa Negros ay kinuhanan siya ng swab sample bago dinala sa isang quarantine center sa bayan. 

Miyerkoles nang lumabas ang resulta ng kaniyang COVID-19 test at nagpositibo siya dito. 

Sabi ni Benjamin, walang dapat ikabahala ang trainees dahil sa hindi pa nakapasok sa training center ang instructor. Wala ring dapat ikabahala ang mga residente ng bayan ng Hinobaan dahil sa hindi naman nakalabas ng quarantine center ang pasyente. 

Inilipat na din nitong Miyerkoles ang pasyente sa kuwarto sa isang private resort na ginawang quarantine center ng lokal na pamahalaan. Kailangang mag-isolate muna ang pasyente hanggang sa mag-negatibo ito sa mga susunod na swab test, ayon kay Benjamin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.