PatrolPH

Ina sa Taguig timbog sa paglalako online ng nude photos, videos ng mga bata

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 06:20 PM | Updated as of Jun 20 2020 07:33 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Sinugod ng Philippine National Police-Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) ang isang bahay sa Taguig City matapos mapatunayan na ibinebenta online ng 30-anyos na babaeng suspek ang malalaswang imahe ng mga menor de edad na anak, pamangkin, at kapatid nito.

Naabutan sa loob ng bahay ang mga batang natukoy sa mga retrato at video, na inilalako online sa mga pedopilya sa abroad.

Unang itinimbre ng US Homeland Security Investigation sa WCPC ang kaso sa pulisya.

"Noong April nagkaroon kami ng referral from the US Homeland Security Investigation, may isang Filipina na facilitator na nag-e-exploit ng mga bata at nagbebenta online," ani Police Col. Maria Sheila Portento, hepe ng anti-trafficking in persons division ng PNP-WCPC. 

Nasagip ng awtoridad ang pitong menor de edad, na may mga edad mula 1 hanggang 15, pati na rin ang 27 anyos person with disability na kapatid ng suspek. 

"Modus niya, ibinebenta niya ang mga images ng mga bata, abused materials and then ino-offer niya na itong mga batang ito ay gagawa ng sexual acts in exchange for money," ani Portento.

Inamin ng suspek na ginagamit niya ang 15 anyos na pamangkin at kapatid sa cybersex pero hindi ang mga maliliit na bata. Nasa P1,500 hanggang P2,000 daw ang kita niya kada live show.

"Hindi ko naman po pinagsho-show ang mga bata, nahagip lang ng camera. Naghuhubad lang po kami, 'yung dalawa po magkasama sa camera, ako po nagsasabi kung ano ang gagawin," sabi ng suspek. 

Ayon sa Department of Justice (DOJ) office of cybercrime, base sa natanggap na tip at sumbong ng National Center of Missing and Exploited Children ng US, halos 200 porsiyento ang itinaas ng insidente ng online sexual exploitation of children (OSEC) sa Pilipinas mula Marso hanggang Mayo o noong kasagsagan ng lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.

Nanawagan sila sa publiko na ipagbigay-alam sa PNP-WCPC, DOJ, at National Bureau of Investigation ang ano mang impormasyong may kinalaman sa sekswal na pang-a-abuso sa mga bata.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.