Health worker sa Negros Oriental, nagpositibo sa COVID-19

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 05:57 PM

Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isang government health worker sa Negros Oriental.

Kinumpirma ito ni Assistant Provincial Health Officer Dr. Liland Estacion nitong Huwebes. Dagdag pa niya, asymptomatic ang naturang health worker at under isolation na sa ngayon.

May direct contact siya sa isang COVID-19 patient.

Tapos na ang Provincial Health Office sa contact tracing at nakuhanan na rin ng swab samples ang kaniyang mga naging close contact na naka home quarantine na sa ngayon.

Paalala ni Estacion, siguruhin ang maayos na pagsusuot ng personal protective equipment (PPE) para masigurong hindi mahahawa sa mga pasyente.

"For all frontliners dili kita mukumpyansa, (huwag tayong makumpiyansa). Even though we are wearing PPEs we have to check if we are wearing it properly because I think this health worker was really using PPE but I don’t know if it was properly done so now we are encouraging all our top health officials in the province to review again on the donning of PPEs," aniya.

Sa kasalukuyan, may dalawang active case ng COVID-19 ang Negros Oriental.

Bukod sa naturang health worker, nananatili sa quarantine facility sa Bindoy ang isang mangingisda mula Palawan na nagpositibo rin sa COVID-19.

Nakauwi na ang ibang kasamahan nitong mangingisdang gumaling na sa sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.